Kinalampag na rin ni Tourism Committee Chairman at Laguna Rep. Sol Aragones ang Philippine Statistics Authority (PSA) na madaliin ang pag roll-out ng National ID system para sa lahat ng mga Pilipino.
Ayon kay Aragones, isa sa mga pangunahing may-akda ng Republic Act No. 11055 o ang Philippine Identification System Act, nakita ngayong krisis sa COVID-19 ang kahalagahan ng pagkakaroon ng komprehensibong database para sa mabilis na pagtukoy ng mga mahihirap na pamilya na entitled para sa emergency aid o subsidies mula sa gobyerno.
Aniya, kung mayroon na sanang National ID ang lahat ng mga Pilipino ay magiging mabilis at epektibo ang pamamahagi ng financial assistance sa mga vulnerable sectors.
Mapapaikli din aniya ang panahon para sa pag-identify, assessment at validation ng listahan ng mga beneficiaries.
Dahil dito, hiniling ni Aragones na oras na matapos ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay dapat madaliin na ng PSA ang pag-roll out ng National ID.
Paliwanag ng kongresista, hindi lamang ngayong may coronavirus disease magagamit ang National ID kundi magagamit din ang sistema sa mga localized disaster response efforts lalo na tuwing may kalamidad.