Kongresista, pinapatigil na ang paggamit sa special plate number

Manila, Philippines – Manila, Philippines – Hinamon ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang Mababang Kapulungan na umaksyon na sa pagpapatupad ng memo sa pag-recall ng protocol special plate number 8 ng mga kongresista.

Ito ay sa gitna na rin ng pagbatikos sa Kamara sa hiling ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na bigyan ng immunity ang mga mambabatas sa minor traffic violations.

Sinabi ni Tiangco na hindi pa rin naaawat ang mga kongresista sa paggamit ng special protocol plate na ito na isang uri ng pribilehiyo sa mga mambabatas


Nauuwi aniya ito sa pang-aabuso kung saan hindi naman tiyak kung talang kongresista ang gumagamit ng otsong plaka at karaniwang ginagawang dahilan din para makalusot sa batas trapiko.

Giit ni Tiangco, kung talagang seryoso ang Kamara sa recall ng ganitong plaka ng mga kongresista ay madaling puntahan ang kanilang sasakyan sa paradahan sa Batasan Complex at pwedeng pagbabaklasin ang mga ito.

Noong Agosto 2016, inisyu ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang memo para sa implementasyon nito kung saan pina-re-recall ang plate number 8.

Hinimok din nito ang mga kapwa kongresista na boluntaryo ng isuko ang kanilang mga otsong plaka .

Facebook Comments