Kinalampag ni House Committee on Health Chairman Angelina “Helen” Tan ang Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na resolbahin agad ang patuloy na pagkakautang sa mga pribadong ospital sa ating bansa.
Ang reaksyon ng kongresista ay kasunod na rin ng pahayag ng ilang pribadong pagamutan sa Iloilo City na kakalas na bilang partner ng PhilHealth dahil sa higit P545 million na “unpaid claims”.
Ipinunto ng kongresista na maraming beses nang nagsagawa ng pagdinig at dayalogo ang Committee on Health ng Kamara kung saan pinagharap ang mga samahan ng mga pribadong ospital at ang PhilHealth.
Nangako naman ang naturang state insurer na aayusin ang sigalot at in-adopt pa ang ilang rekomendasyon ng komite.
Aniya, nakakalungkot lamang na may mga ospital na nagpasya na puputulin na talaga ang partnership sa PhilHealth.
Dahil sa isyu ng utang ng PhilHealth sa mga private hospital, mas lalong dehado at pahihirapan dito ay ang mga Pilipino lalo na ang mga pasyente kaya kailangang umaksyon na ngayon ng DOH at PhilhHealth upang tuluyang maayos na ang problema.