Pinatitiyak ni Makati City Representative Luis Campos sa Department of Energy (DEO) na ligtas at maayos ang mga power plants sa banta ng pagaalburuto ng Bulkang Taal.
Hinimok ni Campos ang DOE na silipin ng ahensya ang lagay ng mga energy infrastructure sa Batangas.
Ayon kay Campos, pinangangambahan kasi na nakaapekto ang ashfall mula sa Taal sa operasyon ng mga power plants gayundin ang mga oil at gas installations sa lalawigan.
Tinukoy ng kongresista na maaaring masira ang turbines ng mga power plants dahil sa ashfall at sensitibo din sa volcanic tremors ang mga fuel facilities.
Bukod sa pagtitiyak na maayos ang mga energy infrastructures ay pinaglalatag din ng mambabatas ang DOE ng contingency plan sakaling tuluyang magkaroon ng mapaminsalang pagsabog ang Taal.
Ilan sa mga power plants na matatagpuan sa Batangas ay First Gen Corp., SMC Global Power Holdings Corp., Semirara Mining and Power Corp., AC Energy Philippines Inc., Pilipinas Shell Petroleum Corporation at Phoenix Petroleum Philippines Inc..