Kongresista, pinasisimulan na sa IATF ang pagbabakuna ng COVID-19 vaccine booster shots sa mga medical frontliners at senior citizens

Pinasisimulan na ng ilang kongresista sa Kamara ang bakunahan para sa booster shots ng COVID-19.

Umapela si Deputy Speaker Bienvenido Abante Jr., sa Inter-Agency Task Force (IATF) na ngayong puno ng bakuna ang mga storage facilities ng gobyerno ay panahon na para bigyan ng direktiba ang mga Local Government Units (LGUs) na simulan na ang pag-administer ng COVID-19 vaccine booster shots sa mga medical frontliners at senior citizens.

Mahalaga aniyang magamit na ang mga bakuna bilang booster shots nang sa gayon ay hindi lang ito inaalikabok o nakatengga lang sa mga pasilidad.


Maaari aniyang ibigay ang mga bakuna na dagdag na proteksyon sa mga vulnerable sectors tulad na lamang sa mga medical frontliners na palaging expose o lantad sa mga pasyenteng may COVID-19 at mga matatanda na may komplikasyon.

Bagama’t sinabi ni National Task Force Chief Implementer Sec. Carlito Galvez na mayroong sapat na COVID-19 vaccine doses na nakalagay sa mga national warehouses ngayon na aabot sa 36 million, malaking hamon naman sa pamahalaan ang administration at pagbaba ng demand ng mga nagpapabakuna.

Dagdag ni Abante, habang hinihintay ang pagpapahusay sa vaccine rollout at pagtugon sa vaccine hesitancy ng mga tao ay ibigay na sa mga talagang nangangailangan ng bakuna ang mga “on hand” COVID-19 vaccines upang hindi ito masayang at abutin na lamang ng expiration date.

Facebook Comments