Manila, Philippines – Pormal nang maghahain ng petisyon sa Supreme Court (SC) bukas si Akbayan Party-List Rep. Tom Villarin laban sa proclamation no. 216 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 23, na nagsailalim sa martial law sa buong rehiyon ng Mindanao.
Sa isang panayam, sinabi ni Villarin na hahabulin nila ang pagbabalik-trabaho ng Korte Suprema, kung saan ang ‘Magnificent 7’ ang pangunahing petitioners kasama ang kanyang party-list na Akbayan.
Bukod kay Villarin, kasama sa tinaguriang ‘Magnificent 7’ sina Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat, Albay Rep. Edcel Lagman, Caloocan City Rep. Edgar Erice, Magdalo Party-List Rep. Gary Alejano, Capiz Rep. Emmanuel Billones, at Northern Samar Rep. Raul Daza.
“Bale ang isang grupo, Akbayan kasama ang ‘Magnificent 7’. Nandiyan din ang grupo ng mga alternative lawyers with co-petitioners from Mindanao. Tapos mayroon pong alam naming gusto ding mag-file na mga moro lawyers. But sa ngayon ang very final `yung akbayan at `yung Magnificent 7,” ani Villarin.
Dalawang punto umano ang nilalaman ng kanilang petisyon. Una, ang hindi pagsunod sa konstitusyon nang tumanggi ang dalawang kapulungan ng kongreso na mag-convene para pagbotohan kung aayunan o ibabasura ang martial law. At pangalawa, walang basehan ang idineklarang martial law sa Mindanao dahil wala naman aniyang rebelyon at invasion na nangyari sa Marawi City.
DZXL558