Kongresista sa Isabela, umapela ng tulong sa Kamara para sa kanilang probinsya na winasak ng Bagyong Ulysses

Humihingi ng dagdag na tulong sa Kamara ang kinatawan ng Isabela na matinding sinalanta ng Bagyong Ulysses.

Sa privilege speech ni Isabela Rep. Faustino ‘Inno’ Dy, sinabi ng kongresista na matapos ang mga isinagawang relief operations sa kanilang lugar at iba pang probinsya ay naging mas malinaw na kinakailangan nila ang lahat ng anumang tulong na maaaring maibigay ng gobyerno.

Balak sana ng mambabatas na hindi dumalo sa pagbubukas ng sesyon dahil mas kailangan ng tulong ng kanIyang mga constituents ngunit humarap siya sa plenaryo para manawagan ng dagdag na tulong para sa kanyang mga kababayan.


Umapela Rin ang kongresista na maglatag ng mga long-term solutions na makakatulong para maiwasan na ang malawak na pinsala sa mga bagyo na laging tumatama sa bansa.

Hinimok din ni Dy ang liderato ng Kamara na ikonsidera ang pangangailangan ng Isabela at iba pang probinsya na matinding tinamaan ng bagyo sa final provisions ng 2021 General Appropriations Act.

Sa probinsya lamang sa Isabela ay aabot sa 55,000 na pamilya mula sa 322 barangays ang apektado ng bagyo at tinatayang nasa P136.97 million naman ang halaga ng kabuuang pinsala sa buong lalawigan.

Facebook Comments