Kaisa si Albay First District Representative Edcel Lagman, sa mga naniniwala na kailangang pumagitna si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sa komprontasyon sa pagitan ng Senado at House of Representatives kaugnay sa pagsusulong ng Charter Change.
Giit ni Lagman, kailangang solusyunan ni Marcos ang hindi pagkakasundo ng Mataas at Mababang Kapulungan para matutukan na ng Ehekutibo at Lehislatibo ang mas mahalagang isyu sa ekonomiya, food security, pagtaas ng presyo ng bilihin, miseducation, paglobo ng utang ng bansa at patuloy na pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.
Para kay Lagman, hindi dapat sisihin ang 1987 Constitution sa mga nagpapatuloy na krisis na bunga ng palpak na polisiya at implementasyon ng mga batas, nagpapatuloy na korapsyon at kakulangan sa stability at predictability ng mga polisiya ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Lagman, Korte Suprema na ang bahalang magpasya kung may maghahain ng pormal na kaso kung dapat bang bumoto nang hiwalay o magkasama ang Senado at Kamara para sa Cha-Cha sa ilalim ng Constituent Assembly.