Kongresista, Sinagot ang umano’y Pambabatikos ng isang Opisyal sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Nilinaw ni Cagayan 3rd District Congressman Joseph “Jojo” Lara ang naglipanang tarpaulin na may larawan nito at kanyang maybahay sa Pulsar Commercial Plaza na pag-aari ng kanyang pamilya ng dumating ang Gamaleya Sputnik V vaccine.

Ayon kay Congressman Lara, noong panahon na pinayagan ang pagbubukas ng hotel ay nakakabit na ang mga tarpaulin sa paligid ng hotel bilang ‘reminder’ sa mga kliyente sa pagsunod sa ipinatutupad na minimum health protocol laban sa COVID-19 virus.

Patutsada naman nito sa mga taong kumukwestyon sa kanya na kung makakatulong umano na makarating ang mga bakuna ay magpaimprenta na lang ng sariling tarpaulin at lagyan ng kanilang larawan.


Samantala, sinagot naman nito ang katanungan sa isang Press Conference ang umano’y plano na tumakbo ng kanyang maybahay na si Dra. Zarah De Guzman Lara bilang Gobernador sa 2022 election.

Hindi man direktang inamin ng kongresista ang planong ito subalit sinabi niya na may Karapatan naman ang kahit sino na kumandidato sa halalan.

Bukod dito, diretsahan namang sinabihan ng mambabatas si Mayor Miguel Decena ng Enrile, Cagayan na dumaan sa validation ng DOH ang hotel bago p man maibaba ang mga bakuna.

Ito ang paliwanag ni Lara matapos magreklamo ang alkalde dahil sa pahirap pa umano sa mga residente ang pagpunta sa Tuguegarao City para lamang doon gawin ang pagtuturok ng bakuna ngayong may pasilidad umano na magagamit sa bayan ng Enrile.

Bukas naman ang kongresista na ipagamit ang hotel sa mga susunod na batch ng bakuna ngunit kailangang ipaalam ng DOH na lahat ng hakbang ay dumaan sa tamang proseso upang maiwasan ang anumang pambabatikos laban sa kanya at pamilya.

Una nang pinagpapaliwanag ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang Department of Health (DOH) Region 2 at Regional IATF matapos ang isinagawang vaccine roll-out ng Gamaleya Sputnik V vaccine sa Pulsar Hotel Buntun na pagmamay-ari ng pamilya ng kongresista.

Ayon kay Mamba, hindi umano awtorisadong vaccination center ang naturang hotel gayundin ang umano’y ‘paepal’ dahil sa naglalakihang tarpaulin na nakasabit sa paligid ng center gaya na lang ng mukha ni 3rd District Congressman Jojo Lara at kanyang maybahay.

Facebook Comments