Kongresista, tinukoy ang kahalagahan ng naval at air assets ng AFP na nakita sa Bagyong Odette

Tinukoy ni House Strategic Intelligence Committee Chairman Johnny Pimentel na kailangang mag-invest ng pamahalaan sa mga bagong barko at aircraft para sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Iginiit ng kongresista na dahil sa Bagyong Odette ay nakita na hindi lamang para sa pagpapalakas ng national defense capabilities ng bansa ang mga barko at sasakyang panghimpapawid ng Hukbong Sandatahan kundi para din ito sa panahon ng kalamidad.

Nagamit aniya ang mga barko at eroplano ng AFP para sa disaster, relief at rescue efforts noong tumama ang bagyo sa Visayas at Mindanao.


Ngayong 2022, sinabi ni Pimentel na pinaglaanan ang AFP Modernization Program ng higit P29 billion na pondo para sa acquisition projects.

Mas mataas ito ng higit P2 billion o 7.6 percent mula sa P27 billion noong 2021.

Malaking parte ng pondo ay gagamitin ng Department of National Defense (DND) bilang paunang bayad para sa pagbili ng 32 Black Hawk helicopters na nagkakahalaga ng P32 billion.

Nagbigay na rin ng paunang bayad ang DND para sa dalawang bagong 116-meter corvettes na nagkakahalaga ng P28 billion at isinasapinal na rin ngayong taon ang pagbili naman ng anim na 83-meter offshore patrol vessels (OPVs) na nagkakahalaga ng P30 billion.

Facebook Comments