Kongresista, tutol sa pag-amyenda sa Mutual Defense Treaty

Manila, Philippines – Nanawagan si Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate sa publiko na maging vigilante sa planong pag-amyenda sa Mutual Defense Treaty (MDT).

Giit ni Zarate, hindi pa ba sapat na mayroong Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ang Estados Unidos sa Pilipinas kaya kailangan pang amyendahan ang MDT.

Babala ni Zarate, lalo lamang matatali ang bansa sa Amerika at mas magiging advantage pa ito sa mga ‘kano’ dahil ang buong bansa ay isang virtual military base ng US.


Dahil dito, hinimok ng kongresista ang publiko na itulak ang pagbabasura sa MDT, VFA at EDCA.

Maaari kasi aniyang dahil sa mga kasunduan sa Amerika ay maipit sa iringan ng China at US ang Pilipinas.

Nauna dito ay inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nakatakdang pakikipagusap sa top-level team mula sa Estados Unidos para pag-usapan ang PHL-US Mutual Defense Treaty na nilagdaan noon pang 1951.

Facebook Comments