Kongresista, umaalma na bayaran na ang mga guro sa sobrang oras sa serbisyo sa nakaraang pandemic school year

Patuloy na iginigiit ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na bayaran ng Department of Education (DepEd) ang sobrang araw na serbisyong iginugol ng mga guro mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic.

Hanggang ngayon kasi ay patuloy na nagmamatigas ang ahensya na maibigay ang nararapat na kompensasyon sa mga public school teacher sa nakalipas na 13 buwan na pandemic school year.

Hindi aniya maitatanggi ng DepEd na kinailangang magtrabaho ng sobra sa araw ng mga guro bilang paghahanda sa kanilang pagtuturo sa gitna ng blended distance learning.


Bukod dito, ang mga guro rin ang nag-abono ng kanilang mga gamit sa online learning at sa printed modules para lamang matiyak na ang access ng mga estudyante sa edukasyon kahit kulang sa suporta ang pamahalaan.

Giit ng kongresista, makatarungan lamang ang hiling ng mga guro na 77 araw na service credit at 25% overtime pay dahil sa sobrang trabahong iginugol ng mga guro sa nakaraang school year.

Facebook Comments