Umaapela si Committee on Health Chairman at Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan sa Department of Health (DOH) partikular kay Health Secretary Francisco Duque III na dagdagan ang bakuna sa mga probinsya.
Tinukoy ni Tan ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa probinsya ng Rizal, Laguna at Batangas kaya marapat lamang na bilisan at dagdagan ang suplay sa mga lalawigan.
Inihalimbawa rin ng kongresista ang pagtaas ng COVID-19 cases sa Quezon na nakapagtala ng panibagong 791 COVID-19 infections sa nakaraang 14 araw habang halos 60% na sa 26 na medical facilities ng lalawigan ay okupado ng mga may sakit ng COVID-19.
Dahil dito, iginiit ni Tan ang kahalagahan na mabakunahan agad ang 2.1 million na residente sa kanilang lalawigan.
Ayon pa sa kongresista na isa ring doktor, mahalaga na mabakunahan agad ang kanyang mga ka-lalawigan upang tuluyang malabanan at mapuksa ang tumataas na bilang ng nagkakasakit ng COVID-19.
Nabigyan na aniya ang lalawigan ng alokasyon ng Sinovac at AstraZeneca ngunit ang alokasyon para sa Sputnik V ng Russian Gamaleyan Institute ay wala pa rin.