Hinimok ni Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga ang pamahalaan na taasan na ang kompensasyon para sa mga hog producer at raiser na apektado ng African Swine Fever (ASF).
Kasabay ito ng pagpuri ni Enverga sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na bayaran ang mga hog farmer sa bawat baboy na mamamatay dahil sa ASF.
Sa kasalukuyan ay nagbabayad ang DA ng P5,000 sa bawat baboy na may ASF o isasailalim sa culling para mapigilan ng tuluyan ang pagkalat ng virus.
Kasabay nito ay nagpahayag ng suporta si Enverga sa apela ng Pork Producers Federation of the Philippines (ProPork) sa gobyerno na taasan sa P10,000 ang indemnification cost o bayad danyos sa bawat baboy na nagkasakit ng ASF.
Binigyang diin ng kongresista na lubos na nangangailangan ngayon ang local swine industry ng tulong matapos na makapasok sa bansa ang ASF noong 2019 na nagresulta sa pagsasara ng maraming hog farms at pagtigil ng negosyo ng mga backyard raiser.
Dahil dito, personal na umaapela si Enverga sa Department of Agriculture (DA) na bumuo ng isang ‘win-win solution’ na tutugon sa problema at titiyak sa matatag na suplay ng karneng baboy sa pamilihan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga local producer na buhayin ang kanilang operasyon.