Pinasaringan ni Albay Rep. Joey Salceda ang Senado matapos ayawan ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) pero ginastusan naman ng bilyong pisong halaga ang pagtatayo ng Senate Building sa BGC, Taguig.
Hindi napigilan ng kongresista na umalma dahil aabot sa P10 billion ang gagastusin para sa pagpapatayo ng modernong Senate Building gayong aabutin lamang ng P2 billion ang reorganization na gagawin sa DDR.
Pinatutsadahan din ni Salceda ang Senado na handa naman palang gumastos sa pagtatayo ng bagong gusali kaya unahin na ito sa halip na unahin ang pangmatagalang solusyon sa panahon ng kalamidad at mas mapapakinabangan ng maraming Pilipino.
Kitang-kita din aniya kung ano talaga ang prayoridad ng ng dalawang kapulungan.
Muling lumakas ang panawagan sa pagtatag ng DDR matapos ang matinding pananalasa ng Bagyong Rolly sa Bicol na ikinasawi ng 20 katao.
Ang pagtatatag ng DDR na isa sa priority measures ni Pangulong Rodrigo Duterte ay aprubado na sa Kamara sa ilalim ng liderato noon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano subalit nanatili naman itong nakabinbin sa Senado dahil sa katwirang walang pondong mapagkukuhaan para sa pagbuo pa ng panibagong ahensya.