Kongresista, umapela na bayaran ang mga consumer na apektado ng internet maintenance ng mga service providers; Pagbibigay ng advance notice, hiniling

Pinabibigyan ni Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Party List Representative Bernadette Herrera-Dy ng proteksyon ang mga consumer laban sa magkakaibang abiso ng mga Internet Service Provider (ISP).

Ito ay bunsod na rin ng magkakaibang advisory ng mga ISP sa kanilang maintenance activity ng submarine cable systems na Asia-America Gateway ngayong araw.

Hiniling ni Herrera sa Inter-Agency Task Force (IATF), Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) na obligahin ang mga telcos na magbigay ng rebates sa mga consumer kung aabot ng isang araw o mahigit pa ang service disruption sa internet.


Pinagpapaliwanag din ng kongresista ang mga internet provider sa kanilang magkakaibang memo o advisories tungkol sa nasabing maintenance.

Pina-oobliga rin ang mga telcos at internet service companies na bigyan sa susunod ang mga subscriber ng 15 days advance notice kung may aktibidad, maintenance o incidents na aayusin na makakaapekto sa kanilang serbisyo.

Iginiit ni Herrera na ang short notice ng PLDT, Smart, Skycable, at Cignal TV sa publiko ay hindi na dapat mangyari dahil may malaking impact sa ekonomiya at sa edukasyon ang nasabing internet service disruption na kailangan matugunan sa susunod na pagkaantala ng serbisyo.

Facebook Comments