Pinamamadali ng isang kongresista ang pagsasabatas sa panukalang Transportation Safety Bill kasunod na rin ng insidente ng pagbagsak ng C-130 military plane kamakailan at ng iba pang aircraft ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa ilalim ng panukala na inihain ni Bohol Rep. Kristine Alexie Tutor, lilikha ng Philippine Transportation Safety Board para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga sasakyang binibili ng pamahalaan.
Ang board din ang independent na mag-iimbestiga sa mga bumagsak na chopper o eroplano, lumubog na barko, pagkadiskaril ng tren, banggaan ng mga sasakyan at iba pang major transport safety incidents.
Nakita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng board na ito lalo pa’t sunud-sunod ngayong taon ang pagbagsak ng military plane at chopper ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.
Dagdag pa ng kongresista, dahil na rin sa mga trahedyang ito ay mas nakita ang pangangailangan sa masinsinang aircraft inspection at mabusising flight training ng mga piloto.