Hinimok na rin ni ACT-CIS Representative Niña Taduran ang publiko na makipagtulungan at boluntaryong magpatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) lalo ngayon na lumolobo ang bilang ng mga apektado ng COVID-19.
Suportado ni Taduran ang rekomendasyon ni Dr. Anthony Leachon na boluntaryong umakto ang publiko na parang nasa ilalim ng ECQ dahil makatutulong ito upang mabawasan ang pagkalat ng COVID-19 sa susunod na dalawang linggo.
Aniya kahit nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila ay kumilos ang mamamayan ng parang nasa ECQ kung saan manatili lamang sa bahay, limitahan ang paggalaw, laging magsuot ng mask at protective equipment, ugaliing magsanitize at panatilihin ang social distancing.
Nanawagan din ang mambabatas sa mga employer na pairalin ang pagiging makatao sa kanilang mga empleyado tulad ng pagbibigay ng service o shuttle at pagpapatupad ng work-from-home upang hindi matakot na mahawaan ng virus.
Umapela rin ito sa publiko na makipagtulungan dahil lalong tumataas ang bilang ng mga nadadagdag na kaso ng COVID-19 sa bansa kada araw.