Umapela si Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine National Police (PNP) na maglatag ng counter measures laban sa mga bandido o rebeldeng grupo.
Kasabay ng apela ang pagkundena ni Garbin sa ginawang pag-atake ng mga bandidong grupo sa mga pulis sa Libon, Albay kung saan isa sa mga officers ang sugatan gayundin ang pagkasawi ng 11 sundalo sa Patikul, Sulu matapos na maka-engkwentro naman ang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group.
Ayon kay Garbin, ang mga PNP personnel sa lugar ay inatasang magbantay ng seguridad sa pamamahagi ng ayuda sa mga nangangailangang Bicolano.
Aniya, habang ang marami ay abala sa pakikipaglaban at pagtulong sa mga apektado ng COVID-19, ang mga armadong grupo naman ay nagawa pang atakihin ang mga pulis na nagbabantay lamang para matiyak na makakarating sa mga mahihirap na kababayan ang tulong ng gobyerno.
Ang mga sundalo naman na nasawi sa Sulu ay nagpapatrolya kahapon para bantayan ang mga residente laban sa mga pagatake ng mga bandido sa gitna ng krisis.
Giit ni Garbin, ang mga rebelde ay parang salot na nagbibigay sakit at sumisira sa mga komunidad tulad ng COVID-19.
Nanawagan naman ang kongresista sa mga otoridad na gawing top priority ang pagtugis sa anumang uri ng ‘acts of terrorism’ sa buong bansa pagkatapos ng COVID-19 crisis.