Umapela si Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa gobyerno at sa Kamara na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa mga napaulat na pagkamatay ng mga high-profile drug lords sa New Bilibid Prison (NBP) dahil sa COVID-19.
Ayon kay Zarate, nakakapagduda na siyam na major drug lords ang sabay-sabay na nasawi sa COVID-19 na wala man lamang autopsy o testigo na magpapatunay na agad na nacremate ang mga labi bunsod ng sakit.
Tinukoy ng kongresista na noon lamang nakaraang taon ay nailathala sa pahayagang telegraph ng United Kingdom na talamak sa bansa ang pagbabayad para mapalaya nang mas maaga sa kulungan ang mga convicted sa karumal-dumal na krimen, gayundin ang pamemeke sa pagkasawi ng isang preso.
Iginiit ng mambabatas na magkaroon ng transparency at accountability sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng high-profile inmates at hindi sana nasasamantala ang COVID-19 pandemic para pekein ang pagkamatay at makalabas ng kulungan ang isang bilanggo.
Pinasisilip din ni Zarate ang pagpaslang sa isang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Corrections Officer 1 (CO1) Edmund Molina na natagpuang patay at binaril sa ulo sa loob mismo ng Bilibid noong nakaraang linggo.