Manila, Philippines – Umapela si Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles sa mga raliyista na maging mahinahon ang mga ito sa rally para sa National Day of Protest.
Pinayuhan ni Nograles ang mga magpoprotesta na iwasang magkaroon ng tensyon na posibleng mauwi sa gulo.
Sinabi ni Nograles na ang pagdeklara ni Pangulong Duterte ng Day of Protest sa September 21 ay patunay lamang na hindi ito naninikil ng karapatan ng publiko para mag-protesta at para maglabas ng hinaing sa gobyerno.
Nangangahulugan lamang ito na hindi diktador ang Presidente kaya sana ay tapatan ito ng mga raliyista ng maayos na mobilisasyon at huwag abusuhin.
Sinabi pa ni Nograles na dapat tandaan ng mga raliyista bagamat mayroon silang karapatan na magprotesta ay may limitasyon pa din ito.