Kongresista, umapela sa incoming Marcos administration na igiit ang karapatan sa teritoryo ng bansa

Hiniling ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa bagong Marcos administration na igiit ang paglaban sa ating teritoryo.

Ang apela ng kongresista ay kasunod na rin ng nangyari noong Abril kung saan dalawang magkakasunod na insidente ng pangha-harass ang ginawa ng Chinese Coast Guard vessels at militia vessels sa barko ng bansa sa Ayungin Shoal.

Giit ni Zarate, kailangang tiyakin ng incoming administration ang pagiging mas ‘proactive’ sa paglaban sa ating karapatan sa teritoryo at hindi dapat makuntento sa paglalatag lamang ng mga diplomatic protests.


Ayon sa mambabatas, hindi na kasi sapat ngayon ang paghahain ng diplomatic protest at pagpapatawag sa ambassador ng China para pagpaliwanagin sa kinasangkutang insidente sa ating exclusive economic zone (EEZ).

Halata naman aniyang hindi tumatanggap ng pananagutan ang China at sa halip ay ipinipilit pa nila na kanila ang mga isla sa West Philippine Sea kahit ito ay nasa loob sa EEZ.

Dagdag pa rito ay nagiging malala aniya ang bagong taktika ng China kung saan sinasadya na ang banggaan malapit sa Ayungin shoal para tuluyang ma-isolate ang mga isla sa ating teritoryo.

Hirit pa ng kongresista, kung magpapadala palagi ang Pilipinas sa foreign policy ng China ay mistulang ibinenta o isinuko na ng gobyerno ang ating karapatan.

Facebook Comments