Pinakikilos ng isang kongresista ang Kamara para imbestigahan ang mga alegasyon ng dayaan sa nakalipas na halalan.
Sa privilege speech ni Palawan Rep. Cyrille Abueg-Zaldivar, iginiit nito na ang Kamara bilang “House of the People” ay dapat lamang na silipin ang mga napaulat na malawakang vote buying at aberya sa vote counting machines o VCMs at SD Cards noong May 9 elections.
Ipinasisiyasat din nito ang mga report ng harassment sa mga poll watcher at sa mga botante.
Tinukoy rin ng kongresista ang umano’y iregularidad sa pagbibilang ng mga boto ng provincial board of canvassers o PBOC sa ikalawang distrito ng Palawan, partikular ang dalawang canvass reports para sa iisang posisyon.
Umaapela rin ang mambabatas sa 19th Congress na maglatag at magpatibay ng mga panukala na magpapalakas sa automated election system ng bansa upang maiwasang maulit ang mga kahalintulad na aberya.