Kongresista, umapela sa mga employer na suportahan ang kanilang nga empleyado na nais magtapos ng pag-aaral

Ikinalugod ni House Committee on Labor and Employment chairman at Rizal 4th district Rep. Fidel Nograles ang pagpasa ng Kamara sa panukalang magbibigay ng pagkakataon sa mga undergraduate na makapagtapos ng kolehiyo gamit ang kanilang limang taong karanasan sa trabaho.

Ito ay ang House Bill 9015 o Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program na inaasahan ni Nograles na sa lalong madaling panahon ay tuluyan nang maisabatas.

Bunsod nito ay umaapela si Nograles sa mga employer na tulungan ang kanilang mga empleyado na nais makinabang sa naturang accreditation program.


Diin ni Nograles, marapat lang suportahan ang mga empleyado na nais magtapos ng kanilang pag-aaral dahil tiyak na ang organisasyon o kompanyang pinapasukan din naman nito ang makikinabang.

Ayon kay Nograles, ang mga empleyado na makakapagtapos ng kolehiyo ay tiyak magkakaroon ng ibayong kumpiyansa at higit na kaalaman na kanilang magagamit para sa kapakanan ng organisasyon o kompanya na kanilang kinabibilangan.

Facebook Comments