Nakiusap si Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin sa mga kasamahang kongresista na maging responsable sa mga sinasabi sa publiko.
Kasunod ito ng lantarang pag-eendorso ng ilang mambabatas sa paggamit ng Ivermectin bilang gamot umano sa COVID-19 matapos na mag-post sa social media si Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na libreng ipamimigay ang nasabing gamot sa mga may gusto.
Apela ni Garbin, sa mga kongresista, sa gobyerno at sa mga katulad niyang abogado, na maging responsable sa bawat salitang bibitawan dahil nakikinig ang taumbayan sa mga sinasabi nila.
Paalala ni Garbin sa mga kapwa lawmakers na iwasan ang pagbibigay sa mga Pilipino ng “false hope” o maling pag-asa, kalituhan at kawalan ng tiwala sa pamahalaan.
Aniya pa, batid naman na maganda ang hangarin ng mga nagsusulong ng Ivermectin ngunit mahalagang sumailalim muna ito sa tamang paraan ng pagsusuri upang matiyak na ito ay magiging solusyon at hindi mauuwi sa panibagong problema.
Dagdag pa ng kongresista, pawang mga conspiracies, speculations at opinyon pa lamang ang nakapaloob sa paggamit ng Ivermectin laban sa COVID-19 kaya hayaan na muna ang mga eksperto na sumuri sa pagiging epektibo ng nasabing gamot.