Kongresista, umapela sa pamahalaan na gawin muna ang mga paraan sa pagkontrol sa COVID-19 matapos na maitala ang pagtaas ng kaso ng mga kabataang nagkakasakit

Pinatitiyak ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na habang hindi pa pwedeng bakunahan ang mga kabataan ay gawin lahat ng pamahalaan ang paraan para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Ang hirit ng kongresista ay bunsod na rin ng pagkaalarma nito sa pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit sa hanay ng mga kabataan.

Ayon kay Elago, ang nangyayaring pagtaas ng kaso ng mga kabataang nahahawaan ng COVID-19 ay nagpapakita na nananatiling kapos ang mga hakbang lalo na ng pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.


Giit ng mambabatas, hindi sapat ang palagiang lockdowns at mga bakuna, dahil dapat ay mayroon ding libreng COVID-19 testing at pagpapagamot, agaran at epektibong contact tracing at pamimigay ng mga ayuda.

Aminado naman si Elago na hindi pa niya nakikita na masisimulan na kaagad ang COVID-19 vaccination sa mga bata dahil pinagaaralan pa itong mabuti at hindi rin maisasama pa ang mga edad 12 hanggang 17-anyos sa vaccine rollout dahil kulang pa ang supply ng mga bakuna.

Pero habang wala pang bakunahan sa mga bata, iginiit ni Elago na dapat palawakin at pabilisin pa ang vaccine rollout sa mga uubra ng magpabakuna lalo na ang mga prayoridad; transparency at accountability sa COVID-19 vaccination program; at tiyakin ang mahigpit na pagbabantay at pag-uulat sa adverse events matapos ang pagbabakuna na kailangan para sa administrasyon ng National Vaccine Indemnity Fund.

Facebook Comments