Iminungkahi ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na payagan ng gobyerno ang dalawang toll road operators na umangkat ng COVID-19 vaccines para sa kanilang mga toll collectors at iba pang frontline personnel.
Ito ay kasunod na rin ng pagsuporta ni Defensor sa panawagan ng mga senador at kongresista na pansamantalang isuspinde muna ang implementasyon ng cashless at contactless toll fee collection.
Dapat aniyang payagan ng pamahalaan ang dalawang kumpanya na mag-angkat ng kanilang COVID-19 vaccines nang sa gayon ay hindi na aapurahin ang pagpapatupad ng Radio-Frequency Identification (RFID) system.
Naniniwala ang kongresista na mayroong koneksyon sa ibang bansa ang mga kumpanyang ito na maaari nilang magamit para makakuha ng bakuna.
Sa ganitong paraan hindi lang mapoprotektahan ng toll operators ang kanilang mga tauhan kundi magkakaroon din sila ng sapat na panahon para ayusin ang mga problema sa RFID.