Umapela si Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran sa publiko na tigilan na ang mga healthcare workers sa isyu ng kontrobersyal na pagbabakuna.
Ang reaksyon ng lady solon ay bunsod na rin ng mga kumalat na videos sa social media na vaccination sa ilang mga lungsod kung saan itinurok naman ng nurse ang syringe pero hindi naman na-press ang plunger na naglalaman ng COVID-19 vaccine.
Giit ni Taduran, imposible namang sadyain ng healthcare workers na hindi i-inject ang bakuna sa mga pasyente dahil wala naman silang mapapala rito.
Batay aniya sa kanyang konsultasyon sa mga medical expert, kapag ang mga bakuna tulad ng MRNA vaccines ay naihanda na at nahaluan na ng diluting solution, masisira ito agad kapag hindi nagamit o agad naiturok sa pasyente.
Dagdag pa ng kongresista, ang ilang bakuna pa ay anim na oras lang ang itinatagal kapag naitusok na ang karayom sa vial na kinalalagyan nito.
Apela ni Taduran sa publiko ang pang-unawa dahil napapagod din ang mga healthcare worker at nagkakamali.
Hinimok naman ng kongresista ang mga nagpapabakuna na bantayan ang pagbabakuna sa kanila upang maiwasan ang mga kahalintulad na pangyayari.