Manila, Philippines – Malaking insulto para kay Albay Rep. Edcel Lagman ang natanggap na imbistasyon para sa ika-100 kaarawan ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ang kapatid ni Lagman na si Atty. Hermon Lagman ay biktima ng desaparacidos o sapilitang pagkawala noong panahon ng martial law sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Si Atty. Lagman ay isang labor lawyer na lumalaban noong panahon ng pamamahala ni Marcos kung saan matapos na sapilitang hulihin ng militar ay hindi na kailanman nakita.
Giit ni Lagman, ang pagpapadala ni Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos ng imbitasyon para dumalo sa paggunita ng kaarawan ng dating Presidente ay insulto para sa mambabatas dahil batid naman na ang pamilya niya ay biktima ng martial law.
Sinabi pa ng kongresista na ang kanilang pagluluksa sa pagkawala ng kapatid ay walang closure at kung sakaling patay na ang kanyang kapamilya ay wala namang sementeryong pupuntahan dahil ni bakas ng bangkay ay hindi nila alam.
Dagdag pa nito, upang mas maging makabuluhan ang selebrasyon ng kaarawan ng dating Pangulong Marcos ay isauli na ng mga ito ang lahat ng ill-gotten wealth sa pamahalaan na walang kundisyong hinihingi.