Nakipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang kongresistang nagnanais maging house speaker sa 18th Congress.
Kasama ng Pangulo ang anak na si Davao City Representative Paolo Duterte, Marinduque Representative Lord Alan Velasco at Pampanga Representative Aurelio Gonzales Jr.
Pinag-usapan kung sino ba ang i-eendoro ng Pangulo sa house speakership.
Ayon kay Masbate Representative Wilton Kho – ilalabas ng Pangulo ang desisyon tatlong araw bago ang kanyang ika-apat na State of the Nation Address o SONA sa July 22 para wala nang makakaapela.
Sinabi naman ni Taguig Representative Alan Peter Cayetano – sang-ayon siya sa term sharing kasama si Velasco na siyang nagmungkahi nito.
Sa term sharing, si Cayetano muna ang magiging house speaker sa unang kalahati ng termino at susundan ito ni Velasco.
Pero ani Cayetano, mawawala sa larawan si Leyte Representative Martin Romualdez na isa ring contender sa pagka-house speaker.
Sa pagbubukas ng unang sesyon ng 18th Congress, magbobotohan ang mga kongresista kung sino sa mga naglalaban-laban ang magiging lider ng Kamara.