Kongresistang may-akda ng Same-Sex Civil Union sa Kamara, hinimok ang mga mambabatas na pakinggan ang Santo Papa

Umapela ang isa sa mga kongresista na may-akda ng Same-Sex Civil Union sa Kamara na makinig ang kanyang mga kasamahan sa Santo Papa.

Matatandang inendorso ni Pope Francis sa kanyang dokumentaryo sa unang pagkakataon ang Same-Sex Civil Union sa katwirang anak din ng Diyos ang homosexuals at may karapatan din silang bumuo ng pamilya.

Ayon kay Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera, dapat na makinig ang mga kongresista kay Pope Francis sa panawagan na protektahan at gawin ding legal ang pagsasama ng mga same-sex couples katulad sa mga heterosexual couples.


Sinabi pa ni Herrera na ang endorsement ng Santo Papa sa Same-Sex Civil Union ay isang major advancement para sa paggiit ng pantay na karapatan sa bansa.

Humanga rin ang lady solon sa ipinakitang tapang ng Santo Papa na putulin ang tradisyunal na turo sa Katoliko at pagsusulong sa karapatan ng mga homosexuals.

Si Herrera ang may-akda ng House Bill 1357 o Same-Sex Civil Union Bill sa Kamara na nakabinbin mula pa noong nakaraang taon sa Committee on Women and Gender Equality.

Facebook Comments