Tiniyak ni Committee on Health Chairman at Quezon Rep. Angelina Helen Tan na handa siyang humarap sa imbestigasyon kaugnay sa kanyang pagpapabakuna kamakailan ng COVID-19 vaccine ng Sinovac.
Ayon kay Tan, nakahanda siyang humarap at sagutin ang mga pagdududa sa kanyang pagpapabakuna.
Iginiit ni Tan ang pagiging frontliner dahil bukod sa isa siyang mambabatas ay isa rin siyang doktor.
Wala aniyang katotohanan na ang kanyang pagpapabakuna ay isang VIP treatment dahil ang pagpapaturok niya ng COVID-19 vaccine ay alokasyon sa bakuna na nakalaan para sa kanyang anak na isa ring doktor at nagtatrabaho sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Bahagi ng alokasyon ang bigyan ang tatlo sa myembro ng pamilya ng empleyado ng ospital at ito ay inaprubahan ng National Vaccination Committee.
Maliban dito ay bahagi aniya ng regular rounds kada linggo ay ang magbigay ng libreng konsultasyon sa mga may sakit.
Katwiran din ng kongresista, bukod sa isa siyang medical frontliner ay nagpabakuna na siya para palakasin ang tiwala ng publiko sa COVID-19 vaccine.
Reaksyon ito ng kongresista sa planong imbestigasyon ng Department of Health at ni National Task Force Against COVID-19 (NTF) Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., sa ilang indibiwal na hindi umano sumunod sa prioritization ng healthcare workers sa COVID-19 vaccination rollout.