Tiniyak ng Senado na dadagdagan ang pondo Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos ang 6.8 magnitude na lindol na yumanig sa Davao Occidental noong nakaraang linggo at ang matinding pagulan at pagbaha sa Samar.
Sa ginaganap na 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF), sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na pinaplano na ng Senado at Kamara na dagdagan ang pondo ng DSWD sa susunod na taon para sa pagtulong sa mga kababayan nating biktima ng mga kalamidad.
Ayon kay Zubiri, partikular na pinadadagdagan sa pondo ng DSWD ang lahat ng social welfare programs kabilang ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at housing.
Samantala, sinabi naman ni Speaker Martin Romualdez na ang dagdag na pondo ay para matiyak na lahat ng resources na kailangan ng gobyerno para makatulong ay available na agad.
Agad aniyang nakatugon ang mga kongresista sa mga biktima ng lindol partikular sa General Santos City dahil nakaposisyon at nagamit agad ang quick relief funds at voluntary resources na kailangan sa pagtulong.