Iginiit ng Malacañang na dapat magsagawa muna ng konsultasyon ang Kongreso sa Executive Branch sakaling gagawa sila ng anumang hakbang na itaas ang proposed 2021 budget para sa coronavirus vaccine.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, iginagalang nila ang Kongreso na itaas ang vaccine budget para sa susunod na taon.
Ang punto aniya rito ay kung saang source kukunin ang pondo.
“The power of purse is vested in Congress. We will bow to the wisdom of Congress should they deem it fit to increase the budget for the vaccine, and of course, may pagkukuhanan po iyan,” ani Roque.
Pagtitiyak din ni Roque na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa pabili ng COVID-19 vaccine.
Matatandaang inilahad sa Kamara ang ilang amendments sa proposed 2021 national budget, kabilang ang ₱8 billion dagdag pondo para sa pagbili ng COVID-19 vaccine.
Ang 2021 General Appropriations Bill ay aprubado na sa Kamara at nakatakdang talakayin sa Senado.