Kongreso, dapat mag-antay sa pangulo ng hirit na extension ng martial law

Manila, Philippines – Iginiit ngayon ni Senator Chiz Escudero na tanging si Pangulong Rodrigo Duterte lang ang maaaring humirit na mapalawig ang martial law na idineklara nito sa buong Mindanao.

Pahayag ito ni Escudero matapos sabihin ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hihimukin niya ang Kongreso na paboran ang limang taong pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

Dahil sa may umiiral na parliamentary courtesy ay tumanggi si Escudero na husgahan ang motibo ni Speaker Alvarez.


Pero paliwanag ni Escudero, sa oras na humirit ng martial extension ang Pangulo ay saka pa lamang kikilos ang mataas at Mabanang Kapulungan ng Kongreso.

Ito ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng joint session para pagbotohan kung pagbibigyan ang hiling na extension ng Pangulo.

Kaugnay nito ay binanggit ni Escudero na kapwa malamig ang palasyo at Armed Forces of the Philippines sa naturang panukala ni Speaker Alvarez dahil parehong dumistansya ang mga ito sa iminumungkahing 5 taong pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558

Facebook Comments