Nag-convene na ang Kamara at Senado ngayong umaga para sa pagsisimula ng canvassing sa mga kandidato ng presidente at bise presidente sa katatapos na 2022 elections.
Sa joint public session ng Kongreso, pormal itong binuksan nila Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Speaker Lord Allan Velasco.
Nasa 20 ang mga senador ang present sa joint session habang 296 naman sa mga kongresista.
Kasabay nito ang pag-adopt ng Kamara at Senado sa proposed rules para sa gagawing canvassing mamayang hapon at binuo na rin ang mga miyembro na uupo bilang National Board of Canvassers o NBOC-Congress.
Sa panig ng Senado, itinalaga bilang miyembro ng Joint Canvassing Committee sa pangunguna ni Senator Migz Zubiri habang miyembro sina Senators Nancy Binay, Imee Marcos, Franklin Drilon, Grace Poe, Ralph Recto, Pia Cayetano.
Alternate members naman sina Senators Lito Lapid, Riza Hontiveros, Koko Pimentel at Ronald dela Rosa.
Samantala, sa panig ng Kamara ay pinangunahan naman ito ni Majority Leader Martin Romualdez, habang mga miyembro naman sina Reps. Boying Remulla, Abraham Tolentino, Kristine Singson-Meehan, Manix Dalipe, Sharon Garin at Juliet Ferrer.
Alternate members naman sina Reps. Rimpy Bondoc, Alfredo Garbin, Johnny Pimentel at Stella Quimbo.
Inaatasan ni SP Sotto ang House at Senate secretariat para buksan isa-isa ang bawat balota.
Unang binuksan ang balota mula sa Embahada ng Pilipinas sa Cambodia.
Dito ay sinusuri ang serial number at lock seals ng bawat envelope at isi-seal ang mga Certificate of Canvass na nasuri na.
Tatapusin muna ang pagbubukas ng lahat ng balota bago simulan ang canvassing na inaasahang magsisimula naman mamayang hapon.