Nanawagan ang isang opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) sa kongreso na amyendahan ang Local Absentee Law o magpasa ng panukala para sa early voting.
Ito ay para mapayagang makaboto ang vulnerable sector bago ang eleksyon sa May 9, 2022 kung saan ipinagpapalagay na mayroon pa ring pandemya sa panahong ito.
Sa isang panayam, sinabi ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na nakausap na niya tungkol dito si Senate Electoral Reforms Panel Chair Imee Marcos.
Sa ilalim ng Local Absentee Act, pinapayagan ang ilang sektor gaya ng media, mga pulis at guro na makaboto nang mas maaga para magampanan nila ang kanilang tungkulin sa mismong araw ng halalan.
Pero hiniling ni Guanzon na maisama rito ang mga PWD, senior citizens, mga buntis, indigenous people at mga nasa kulungan o di kaya ay mag-apruba ang kongreso ng Early Voting Act para sa mga vulnerable sectors.
Aniya, makakatulong din ito para mabawasan ang inaasahang pagdagsa ng mga botante sa mga presinto sa araw ng eleksyon at maipigilan ang tiyansang magkaroon ng COVID-19 transmission.
Matatandaang tinutulan ng COMELEC ang mungkahi ni Marikina City Rep. Stella Quimbo na payagaan ang “postal voting” para sa mga senior citizen para matiyak ang kaligtasan nila mula sa banta ng virus.
Giit ni Guanzon, posibleng magkaroon lamang ng election fraud.
Sa ngayon, dinadagdagan na ng COMELEC ang kanilang mga vote counting machines at precincts para maisaayos ang daloy ng mga tao sa araw ng halalan.
Kaya aniya, mahalaga rin na maisulong ang early voting sa mga vulnerable sector at sertipikahan itong urgent ni Pangulong Duterte.
Samantala, una nang sinabi ng COMELEC na ikinokonsidera nila ang pagbabawal sa “face-to-face campaigning”.