
Maaring gawaran ng Kongreso ng special emergency powers si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., para masolusyunan ang palpak na mga flood control projects.
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan sa pamamagitan ng emergency powers ay matutugunan ng pangulo ang bureaucratic delays at legal na balakid sa implementasyon ng national flood control program.
Binanggit ni Libanan, na daan ang emergency powers para mapabilis ni President Marcos ang proseso sa pagbilli ng mga flood control equipment and materials, right-of-way acquisition at relokasyon ng mga apektadong pamilya.
Kasabay nito ay nanawagan din si Libanan kay PBBM na i-convene ang National Public-Private Flood Control Summit upang mapagsama-sama ang mga eksperto, resources at teknolohiya para sa pagbuo ng Presidential Task Force on Flood Control.
Dagdag pa ni Libanan, dapat pagsumikapan ng pamahalaan ang paglilinis ng ilegal na mga struktura, pagpapatupad ng zoning laws at pagprotekta sa mga mahalagang daluyan ng tubig.









