Kongreso, makikipagpulong sa mga gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na linggo matapos matanggap ang kopya ng deklarasyon ng Martial Law

Manila, Philippines – Nakatakdang magsagawa ng pagpupulong ang kongreso at ehekutibo kaugnay ng idineklarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na linggo.

Ito’y matapos mapasakamay ng dalawang kapulungan ng lehislatura ang official report ni Pangulong Duterte sa desisyon nitong pagdeklara ng batas militar sa Mindanao.

Batay sa 1987 constitution, kailangang magpasa ang pangulo sa kongreso ng report sa loob ng 48 oras matapos maideklara ang martial law.


Personal na tinanggap kagabi nina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez ang kopya na kabilang sa cabinet meeting na isinagawa sa Davao City.

Ayon kay Senador Tito Sotto – pag-uusapan sa senado ang Martial Law sa Lunes (May 29).

Nanawagan naman ang senate president – huwag na munang problemahin ang sinasabing plano ni Pangulong Duterte na palawakin ang Martial Law sa buong bansa.

Hiniling naman dumalo sa pagpupulong sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, AFP Chief of Staff Eduardo Año, at National Security Adviser Hermogenes Esperon.

* DZXL558*

Facebook Comments