Kongreso, nagdaos ng special session para pakinggan ang mensahe ni Japan Prime Minister Kishida Fumio sa Pilipinas

Nagdaos ng special session ngayong umaga ng Sabado ang Senado at Kamara matapos ang isang buwang break para sa isinagawang barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) at Undas.

Ang pagbubukas ng 2nd regular session ng 19th Congress ay sa Lunes pa talaga, November 6, 2023, alinsunod na rin sa legislative calendar pero binuksan ngayon ang sesyon para saksihan ang isang makasaysayang pangyayari sa bansa at para pakinggan ang magiging mensahe ni Japan Prime Minister Kishida Fumio.

Present ngayong special session ang 17 senador kung saan labing isa rito ay “virtually” muna na dumalo sa sesyon habang anim ang physically present sa plenaryo ng Senado.


Tinukoy ni Zubiri ang Section 42 ng ‘rules of the Senate’ kung saan maaring mag-convene para sa isang special session ang Kongreso sa gitna ng recess o break na hindi na kinakailangang ipaalam o ipabatid sa pangulo para ikonsidera ang ilang mahahalagang legislative matters.

Sa special session ay inaprubahan ng Senado ang Senate Resolution 851 kung saan ipinababatid sa Kamara ang presensya ng quorum ng Senado at ang pag-convene para sa isang special session; ang Senate concurrent resolution #15 na nag-aanyaya kay Japan PM Kishida Fumio na magbigay ng mensahe sa bansa sa isang special joint session mamaya bago magtanghali; at ang House concurrent resolution #17 kung saan ang Senado at Kamara ay magdaraos ng isang special joint session mamaya para tanggapin at pakinggan ang mensahe ni PM Kishida.

Itinalaga naman ng Senado sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senate Minority Leader Koko Pimentel, Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito at Senate Committee on Foreign Relations Chair Imee Marcos para i-welcome at salubungin mamaya si Japan PM Kishida.

Sinabi pa ni Zubiri na pagkatapos ng historic event na ito na pag-reconvene ng Kongreso para sa isang special joint session, ikukonsidera naman itong adjourned sine die at sa Lunes ang pormal na pagbubukas ng 2nd regular session ng 19th Congress.

Facebook Comments