
Hindi sang-ayon si Senate Committee on Energy Vice Chairman Senator Sherwin Gatchalian na tanggalan agad ng prangkisa ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ilan kasing mambabatas ang nagrerekomenda na tanggalan o bawiin na ang prangkisa ng NGCP dahil sa kabiguan na remedyuhan o agad na tugunan ang malawakang blackout sa Panay Island.
Giit ni Gatchalian, napaka-technical ng operasyon ng NGCP at kahit may sabihing may ibang maaaring mag-operate ng power transmission grid ay hindi naman pwedeng agad-agad din ay ititigil ang operasyon ng NGCP.
Aniya, mangangailangan ng sapat na panahon para sa pagtake-over nito at kailangang mailatag ng malinaw ang grounds sa pagbawi ng prangkisa.
Bukod dito ay mayroon din aniyang kontrata sa pagitan ng NGCP at ng gobyerno at pinoprotektahan din dito ang interes ng NGCP.
Babala naman ni Gatchalian, kapag binawi agad ang prangkisa ng NGCP ay maaaring magsampa ng kaso ang NGCP na mauuwi sa mas malaking problema.









