Pinagsasagawa ni Samar Representative Edgar Mary Sarmiento ang Kamara ng oversight investigation kaugnay sa napaulat na hacking sa servers ng Commission on Elections (Comelec).
Mayroon aniyang oversight power ang Kongreso upang silipin ang pagpapatupad ng RA 8436 o Automated Election Law at alamin kung may banta ba ng manipulasyon at pandaraya sa automated election system.
Punto ng mambabatas, bagama’t pinabulaanan na ng Comelec ang ilan sa impormasyon na tinukoy sa ulat ng pahayagang Manila Bulletin tungkol sa hacking incident ay hindi naman tahasang nasagot ng poll body kung mayroong nga bang hacking o wala.
Hindi rin aniya ito ang unang pagkakataon na na-hack ang Comelec dahil limang linggo bago ang 2016 elections, na-hack at nakopya ang nasa 55 million voters’ registration information sa tinaguriang “COMELEAKS.”
Dalawang rason naman ang nakikita ni Sarmiento kung paanong maaaring nagkaroon nga ng hacking, una ay ang maluwag na network security protocol ng Comelec at pangalawa ay inside job.