Kongreso, pinakikilos sa isasagawang exploration activities sa West Philippine Sea

Pinakikilos ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Representative Carlos Zarate ang Kongreso na maging mapagbantay sa pagpapatuloy ng exploration activities sa West Philippine Sea (WPS).

Ang reaksyon ay kasunod ng pag-aalis ni Pangulong Rodrigo Duterte sa moratorium ng joint oil exploration ng bansa at China sa WPS.

Umapela si Zarate na ang mga magpapatupad ng explorations ay mga tunay na makabayan at hindi makikipagsabwatan sa mga mapanglinlang na mga bansa.


Pinatitiyak ni Zarate na hindi magreresulta sa pagmamaliit sa national patrimony at sovereignty ang gagawing aktibidad sa nasabing teritoryo ng bansa.

Hiniling din ng kongresista sa dalawang kapulungan ng Kongreso na maging listo sa isyu upang hindi maabuso ang resources at hindi mauwi sa mapang-abusong kontrata tulad na lamang sa nangyari sa Malampaya exploration.

Tinukoy pa ng mambabatas na kadalasan pagdating sa revenue generation o kikitain ay hindi patas ang naibibigay sa Pilipinas.

Kailangan din umanong maging mapagmatyag na hindi mauuwi sa territory expansion ng China ang exploration activities tulad ng pag-okupa at pag-militarized ng nasabing bansa sa ilan nating teritoryo sa WPS.

Facebook Comments