Inaprubahan ng mababang kapulungan ng kongreso ang resolusyon na nanawagan sa mga ahensya ng gobyerno na madaliin ang paglalabas ng mga alituntunin kaugnay sa pagbibigay ng discounts sa online transactions ng mga senior citizen at persons with disability (PWDs).
Tinukoy sa House Resolution 2488 na maraming ulat ng reklamo mula sa mga matatanda at mga may kapansanan na hindi nila nagagamit ang diswentong ibinibigay sa kanila ng batas dahil sa kawalan ng malinaw na guidelines sa mga online transactions.
Binigyang-diin sa resolusyon na walang nakasaad sa Expanded Senior Citizens Act (Republic Act 9994), at Magna Carta for Disabled Persons (Republic Act 7277) na ang mga discounts ay ibibigay lamang sa mga offline transactions.
Dahil dito, dapat na ibigay ang 20% discount at exemption sa value added tax (VAT) sa pagbili ng mga produkto at pagkuha ng serbisyo ng mga senior citizen at PWDs kahit ang mga transaksyon ay online.
Partikular na pinakikilos para sa agad na paglalabas ng guidelines sa discount ng mga senior citizens at PWDs ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Information and Communications Technology (DICT), National Commission on Senior Citizens, National Council on Disability Affairs at iba pang ahensya.