Konsehal na sangkot sa pagpatay ng 4 na car dealer, arestado

Photo courtesy of PNP Cagayan

Arestado ang konsehal ng Amulung, Cagayan at isang construction worker na sinasabing sangkot sa pagpatay ng apat na car dealer.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Joey Bargado, miyembro ng Sangguniang Bayan ng Pacac Grande Amulung; at Jojo Vergara, trabahante mula sa Annafunan East, Tuguegarao City.

Ayon kay Cagayan Police Provincial Director Col. Ariel Quilang, nasakote ang dalawa sa isang warehouse sa Pacac Grande pasado alas-11:30 ng gabi nitong Miyerkoles.


Positibo silang itinuro ng mga saksi na pumaslang kina Christian Kaibigan at Joel Bolado na parehong nakatira sa Lipa City, Batangas; Michael Eugene Romero ng Bagong Bantay, Quezon City; at Rommel Quinan na residente ng East Rembo, Makati City.

Narekober ang bangkay ng mga biktima sa loob ng nakaparadang Honda City car sa Villarey, Piat, Cagayan, bandang alas-4:45 ng umaga nitong Miyerkoles, Mayo 20.

Base sa imbestigasyon, dumating sa bodega ni Bardago ang apat noong gabi ng Mayo 19 kung saan umano sila nag-inuman. Pero makalipas lamang ang ilang oras ay natagpuan ng tadtad ng bala ang mga biktimang car dealer.

Dagdag ni Quilang, nilinis daw mismo ng mga caretaker ng bodega ang dugong nagkalat sa pinangyarihan ng krimen.

Mariin naman itinanggi ni Bardago ang paratang sa kaniya.

Nasa kostudiya ng Cagayan Police ang dalawang akusado na nahaharap sa kasong multiple murder at carnapping.

Facebook Comments