Manila, Philippines – Hiniling ni Senator Koko Pimentel sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na huwag isama ang mga nagmamanehong senior citizen sa High Occupancy Vehicle o HOV traffic scheme sa EDSA.
Diin ni Pimentel, dapat bigyang-konsiderasyon ang mga lola at lola na nagmamaneho sa EDSA para matulungan silang makarating sa destinasyon nila ng mabilis.
Ipinunto ni Pimentel na 8.2 percent lang ng ating populasyon ang senior citizens at siguradong kakaunti lang sa mga ito ang nagmamaneho sa EDSA.
Ikinatwiran pa ni Pimentel, na dapat maging kabilang ang mga senior citizen sa mga target na makinabang sa pinapaluwag na daloy ng trapiko sa EDSA.
Kasabay nito ay iginiit din ni Pimentel na dapat panandalian lamang ang implementasyon ng HOV traffic scheme dahil mas mainam na tutukang solusyon ng gobyerno sa problema sa trapiko ang pagpapapubuti sa public transport system.