Aklan – Sa pagsasara ng Boracay Island ngayong araw, pansamanatala nang sinuspinde ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kondisyones sa Pantawid Pamilya Program nito sa mga residente na naapektuhan ng closure ng isla.
Ginawa ito ng DSWD bilang konsiderasyon sa mga benepisyaryo na nakakaranas ng matinding krisis sa kanilang sitwasyon doon.
Ayon kay DSWD Officer in Charge Emmanuel Leyc, sa ngayon nagbibigay na ng cash assistance ang ahensiya sa mga 4P’s beneficiaries at mino-monitor din ang sitwasyon ng mga residente na may eviction notice para lisanin ang lugar.
Base sa datus ng DSWD, mayroong 684 4P’s household beneficiaries sa Boracay, 208 dito ay nasa Barangay Balabag, 340 naman sa Barangay Manoc-manoc, at 136 ay nasa Barangay Yapak.
Sinabi pa ni Leyco, karamihan sa kanilang beneficiaries sa isla ay nagtatrabaho bilang vendors ng mga souvenirs at iba pang items, hair braiders, boatmen, tricycle drivers, porters, tour guides, at iba pa.
Pagtiyak pa ng DSWD, lahat ng 4P’s beneficiaries ay bibigyan din ng oportunidad na maka-access sa iba pang programa ng DSWD tulad ng cash-for-work scheme at sustainable livelihood program.