Konsiyerto, Dedikado Para Sa Marawi

Cauayan City, Isabela – Isang konsiyerto ang iaalay ngayong darating na Biyernes Disyembre 22, 2017 para sa muling pagsasa-ayos ng mga napinsala sa Lungsod Ng Marawi sa Mindanao matapos ang labanan sa pagitan ng mga sundalo at ISIS affiliate group.

Sa press conference na dinaluhan ng RMN Cauayan News Team ngayong araw Disyembre 18, 2017 ibinahagi nina 2018 JCI Cauayan Bamboo Chapter President Yrrah Jean Pineda at dati ring JCI President at ngayo’y City Councilor Marco Paolo “Arco” Meris ang binuong benefit concert na tinawag na “Save A Life Concert, Bangon Marawi, Kasama Mo Kami”.

Layunin ng proyekto na makalikom ng halaga mula sa mapagbebentahang mga concert tickets, kung saan 50% ng maiipong halaga ay mapupunta sa mga biktima ng kaguluhan sa Marawi.


Ang natitirang 50% na malilikom na halaga ay gagamitin naman ng grupo para sa iba pang mga proyekto dito sa Lungsod ng Cauayan, partikular na sa paghahanda sa mga kalamidad na maaring tumama sa hinaharap.

Maliban sa mga local performers, mapapanood rin sa Save A Life Concert, Bangon Marawi Kasama Mo Kami ang dalawa sa mga finalists ng Pinoy Boyband Superstar na sina Keanno at Jao bilang guest performers.

Makakabili ng Save A Life, Bangon Marawi Kasama Mo Kami concert tickets sa halagang P300.00, P150.00 at P50.00.

Pinasalamatan naman ng grupo ang mga miyembro ng media, pati na ang SM City Cauayan sa pamamagitan ni SM City Cauayan Mall Manager Bb. Sheila Marie Estabillo, sa pag-agapay sa mga proyekto ng JCI Cauayan Bamboo Chapter.


Facebook Comments