Konstruksiyon ng Alicaocao Overflow Bridge, Sisimulan na sa 2021

Cauayan City, Isabela- Tuloy na tuloy na ang isasagawang konstruksyon ng Alicaocao Overflow Bridge sa kabila ng banta ng pandemya.

Ito ang ibinahagi ni Cauayan City Vice Mayor Leoncio ‘Bong’ Dalin Jr. sa katatapos na pulong ng Joint City Development Council ng iba’t ibang departmento gaya ng CDRRMO, POC, Business Council at ahensya ng gobyerno.

Ayon kay VM Dalin, nakipagpulong nasa kanila ang pamunuan ng DPWH Region 2 hinggil sa naturang plano ng konstruksyon sa tulay na siyang inaasahang magdurugtong sa Poblacion Area at East Tabacal Region sa siyudad.


Sisimulan na sa unang quarter ng taong 2021 ang konstruksyon sa tulay at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit sa P800 milyon.

Inaayos na rin ang plano kung saang partikular na lugar sa lungsod itatayo ang nasabing tulay na magdurugtong sa dalawang region.

Matatandaan na matagal ng balak na palitan ang kasalukuyang overflow bridge dahil sa nararanasang pagbaha bunsod ng mabilis na pag-apaw ng tubig mula sa Cagayan river.

Nagpasalamat naman ang mga opisyal sa pangunguna ni City Mayor Bernard Dy sa tanggapan ni DPWH Sec. Mark Villar dahil isa ito sa mga prayoridad ng pamahalaan sa paglalaan ng malaking pondo sa ilalim ng Build Build Build Program ng Administrasyong Duterte.

Facebook Comments