KONSTRUKSYON NG ₱290M RAMOT-PUGUIL FARM-TO-MARKET ROAD SA LA UNION, NAKATAKDA NANG SIMULAN

Nakatakda nang simulan ngayong taon ang konstruksyon ng 290 milyon pisong Ramot–Puguil Farm-to-Market Road (FMR) sa La Union, na inaasahang magpapabuti sa akses ng mga magsasaka sa pamilihan at magbibigay ng mas matibay na imprastrakturang angkop sa mga lugar na madalas tamaan ng masamang panahon.

Ang proyekto ay popondohan sa ilalim ng Department of Agriculture–Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) at layong tugunan ang matagal nang suliranin sa upland communities ng lalawigan, kabilang ang hirap sa pagbibiyahe, mataas na gastos sa transportasyon, at pinsalang dulot ng matitinding kondisyon ng klima.

Ayon sa mga detalye ng proyekto, idinisenyo ang Ramot–Puguil FMR gamit ang mas matitibay na materyales kumpara sa karaniwang kalsada upang mapanatili ang tibay nito kahit sa malulubhang lagay ng panahon at maprotektahan ang pondong inilaan ng pamahalaan.

Nakakuha na rin ang proyekto ng No Objection Letter 1 (NOL1) mula sa DA Central Office, na nagbibigay pahintulot sa Provincial Government of La Union na magpatuloy sa procurement process bilang bahagi ng paghahanda sa aktuwal na konstruksyon.

Sa sandaling matapos, inaasahang mababawasan ang oras ng biyahe at gastos sa paghakot ng produkto, gayundin ang pagkasira ng mga high-value agricultural products mula sa mga sakahan sa kabundukan patungo sa mga pangunahing pamilihan.

Facebook Comments